Suportado ng mga mambabatas ang hiling ng Department of Justice (DOJ) na maibalik sa 2026 level ang pondo para sa Anti-Trafficking, Cybercrime at Online Sexual Abuse o Exploitation of Children.
Sa budget hearing ng 2027 budget ng ahensya, inilahad ni Justice Assistant Secretary Michelle Anne Lapuz na, mula ₱111.5 million ay magiging ₱35.6 million ang pondo ng National Coordination Center, habang ₱119 million mula sa Anti-Trafficking Secretariat ay magiging ₱70 million.
Pinakamalaki naman ang bawas sa Office of Cybercrime na 90%, mula ₱102.2 million ay magiging ₱12.273 million.
Nang mausisa kung ano ang magiging epekto ng budget cuts sa kakayahan ng gobyerno na tumugon sa trafficking at online child abuse–sinabi ni Lapuz na babagal ang national response laban sa OSAEC at trafficking kapag kulang ang pondo, kabilang ang rescue operations.
Babala pa niya, kapag hindi naibalik ang pondo sa 2026 level, nanganganib ding maapektuhan ang Tier-1 Status ng Pilipinas sa U.S. Trafficking in Persons (TIP) Report na may direktang epekto sa ekonomiya.
Kabilang sa nagpahayag ng suporta na maibalik ang natapyas na pondo sina Bukidnon Representative Jonathan Keith Flores, Gabriela Party-list Representative Sarah Elago at Akbayan Party-list Representative Perci Cendaña.