Patuloy na pinalalakas ng Department of Science and Technology (DOST) ang kakayahan ng bansa sa larangan ng artificial intelligence (AI).
Sa ginanap na deliberasyon ukol sa panukalang ₱30.8 bilyong badyet ng DOST sa House Committee on Appropriations, nanghingi ng ulat si ACT Teachers Party-list Rep. Antonio Tinio kaugnay ng mga programa ng ahensya sa AI at ang kinakailangang pondo para rito.
Ayon kay Dr. Franz De Leon, director ng DOST-Advanced Science and Technology Institute (ASTI), nasa ₱300 milyon pa lamang ang paunang pondo na nakalaan sa kasalukuyan bilang seed fund.
Dagdag pa niya, umaasa ang ahensya na makakakuha ng karagdagang tulong pinansyal mula sa mga development partner.
Binigyang-diin ni De Leon na ang pangunahing layunin ng proyektong ito ay palakasin ang sariling kakayahan at kasarinlan ng bansa sa teknolohiya.
Samantala, inihayag naman ni DOST Secretary Renato Solidum Jr. na patuloy ang pag-unlad ng Pilipinas sa mga pandaigdigang ranking para sa AI readiness.
Aniya, lead agency ang kagawaran sa pagde-develop ng teknolohiya at target na makapagtatag ng AI hub sa bansa.