Tinawag ni House Prosecutor at Manila Rep. Joel Chua, na “sunud-sunuran” ang dating Office of the Vice President (OVP) special disbursing officer (SDO) na si Gina Acosta.
Ito ay matapos nitong aminin na inilabas at ibinigay ang Php500 milyong confidential funds sa isang security officer na walang fidelity bond, batay sa direct na utos ni Vice President Sara Z. Duterte.
Sa pagpapatuloy ng hearing sa impeachment proceedings, kinumpirma ni Acosta, na humarap bilang hostile witness, na apat na ulit siyang naglabas ng tig-Php125 milyon kay Col. Raymund Dante Lachica mula Disyembre 2022 hanggang ikatlong quarter ng 2023.
Si Lachica ay hindi isang SDO at wala ring fidelity bond.
Sa ginawang redirect examination ni House prosecution counsel Amando Virgil Ligutan, tinanong si Acosta ukol sa kaniyang kwalipikasyon at kung bakit siya ang pinili ni Duterte bilang SDO noong ito ay alkalde pa ng Davao City hanggang sa maging Bise Presidente.
Inamin ni Acosta, na isang nagtapos ng Customs Administration sa MATS College of Technology, na wala siyang pagsasanay o karanasan sa paghawak ng confidential operations.
Nang tanungin kung bakit siya ang napili ng Bise Presidente, sinabi nitong hindi niya alam ang dahilan.
Nang tanungin naman kung kinuha siya dahil basta na lamang siya sumusunod sa mga utos ni Duterte, sinabi rin nitong hindi niya alam.