Muling kinuwestiyon ni House Prosecution Panel member at Manila Representative Joel Chua kung nasaan ang listahan ng tunay na pangalan ng mga tumanggap ng Confidential Funds ng Office of the Vice President (OVP).
Ito’y matapos lumitaw sa mga acknowledgment receipt ang mga pangalang Antonio Pagong, Timon Andrew Pusa, Don Piang, May Pamana, Shane Ngitngit, at Xuniso P. Belat.
Ayon kay Chua, kung mga alyas lamang ang mga ito para protektahan ang informants, dapat may hiwalay na talaan ng kanilang tunay na pagkakakilanlan sa vault ng OVP.
Sinabi ni Chua na batay sa Joint Circular, layunin ng confidential record na maprotektahan ang identity ng informants habang napapanagot pa rin ang paggamit ng pondo.
Ngunit inamin aniya mismo ni dating OVP Special Disbursing Officer Gina Acosta na wala nang ibang listahang nakalagay sa vault.
“Maliwanag sa sinabi ni Gina Acosta na wala nang ibang listahan na nakalagay sa vault. Kung ito ay fictitious lamang, ano ang purpose? Bakit pa ilalagay ito sa vault? Ang purpose ng batas, ng Joint Circular, ay ilagay sa vault iyong mga pangalan na lehitimo, iyong mga identity ng kukuning mga informant,” diin ni Chua.
Sinabi pa ni Prosecution Spokesperson Atty. Benjamin Tolosa Jr. na puro acknowledgment receipt lamang ang isinumite ng OVP at wala ni isang official receipt para sa mga gastusing maaari sanang may ganitong dokumento.
Giit ng prosecution, nagiging kuwestiyonable ang paggamit ng fictitious names kung walang hiwalay na rekord na makapagpapatunay kung sino talaga ang tumanggap ng pera.