Matagumpay na natapos ngayong araw, Agosto 26, 2026, ang cloud seeding operations sa nasasakupan ng Magat Dam sa lalawigan ng Isabela. Sa pagtutulungan ng Department of Agriculture (DA) Regional Field Office 2, DA-Bureau of Soils and Water Management, National Irrigation Administration (NIA), at ng Philippine Air Force, nakumpleto ang 30 flight hours na naisagawa sa loob ng isang buwan, simula noong Hulyo 26, sa reservoir at watershed ng dam.
Ito ay agarang tugon ng pamahalaan sa matinding epekto ng El Niño sa sektor ng agrikultura, kung saan ang pondo ay nagmula sa DA – National Rice Program.
Ngayong araw, naitala ang water level ng Magat Dam sa 178.50 meters above sea level (masl).
Ayon sa NIA, ito ay malaking pag angat mula sa 159.76 masl noong Hulyo 16, 2026, ang pinakamababang water level ng Magat Dam ngayong taon.Nabatid na sa kasaysayan ng dam, naitala ang pinakamababang elevation noong Marso 28, 2010 na umabot ng 149.75 masl. Ang kasalukuyan umanong pagtaas ng lebel ng tubig ay nagbigay ng mas malaking kapasidad para sa operasyon ng irigasyon sa Isabela at mga karatig probinsiya.
Maliban sa cloud seeding operations, nakatulong din sa pagtaas ng antas ng tubig ang mga pag uulan dulot ng mga bagyo nitong Agosto, gayundin ng Habagat, na nagbigay ng karagdagang inflow sa reservoir.
Ang pagtatapos ng cloud seeding operations sa Magat Dam ay isa lamang sa mga hakbang ng pamahalaan upang maibsan ang epekto ng tagtuyot. Napag-alamang may iba pang mga plano at interbensyon na ipatutupad sa mga susunod na buwan upang mas maprotektahan ang kabuhayan ng mga magsasaka at masiguro ang patubig sa gitna ng El Niño.
📷 DA Region 2 and NIA-MARIIS