EASTERN SAMAR — Higit 4,500 na displaced at disadvantaged workers mula sa 11 bayan sa lalawigan ng Eastern Samar ang nakatanggap ng tulong-pangkabuhayan sa ilalim ng Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD) program ng Department of Labor and Employment (DOLE).
Ang nasabing inisyatiba ay bahagi ng patuloy na pagpapatupad ng socio-economic agenda ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na layuning magkaloob ng pansamantalang trabaho at suporta sa mga marginalized sector sa buong bansa.
Naisakatuparan ang programa sa pamamagitan ng pakikipagtulungan ng DOLE kina House Minority Leader Cong. Nonoy Libanan at Eastern Samar Lone District Congressman Sheen Gonzales upang maipaabot ang serbisyo ng pambansang pamahalaan sa mga rural at malalayong komunidad.
Ayon sa ulat, umabot sa kabuuang 4,528 na indibidwal ang naging benepisyaryo ng cash-for-work program sa lalawigan. Kabilang sa mga bayang naabutan ng tulong ang Dolores na nagtala ng pinakamaraming benepisyaryo na may 1,027 indibidwal mula sa mga barangay ng Poblacion 15, Dampigan, Aroganga, Malobago, Jicontol, at Hinolaso.
Nakinabang din sa rollout ang bayan ng Oras na may 776 benepisyaryo mula sa mga barangay ng Tawagan, Kalagaw, Dao, Factoria, at Burak; Taft (451); Arteche (380); Llorente (353); at Maydolong (332). Kasama rin sa mga pumasok sa serye ng aktibidad ang Sulat (309 benepisyaryo); Lawaan (247); General MacArthur (242); Hernani (211); at Jipapad (200).Bago sumabak sa aktuwal na pagtatrabaho para sa kanilang komunidad, dumaan muna sa oryentasyon ang mga benepisyaryo ukol sa kanilang mga tungkulin at safety guidelines. Pinagkalooban din sila ng Personal Protective Equipment (PPE) para sa kanilang kaligtasan sa paggawa.
📷 CDO of Cong. Gonzales