Mas hinigpitan ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang mga requirement sa pagpaplano ng mga infrastructure project, bilang bahagi ng mga repormang ipinatupad matapos ang kontrobersiya sa flood control projects.
Sa budget briefing, sinabi ni DPWH Secretary Vince Dizon, na lahat ng proyektong isasama sa National Expenditure Program (NEP) ay kailangang may approved program of work at kumpletong supporting mandatory requirements.
Kabilang dito ang validated geotagged photos na dapat kunan mismo sa lugar kung saan ipatutupad ang proyekto.
Ayon kay Dizon, dati ay may mga proyektong gumagamit lamang ng tinatawag na “tabletop coordinates,” kung saan tinutukoy ang lokasyon gamit ang mapa o Google Maps sa halip na aktuwal na pagpunta sa site.
Ngayon, hindi na ito pinapayagan ng DPWH at kinakailangang personal na pumunta sa site ang project engineers, district engineers, at planning engineers upang kunan ng larawan ang lugar.
Dapat awtomatikong nakalagay sa mga larawan ang aktuwal na coordinates ng lokasyon bilang patunay na na-validate mismo sa field ang proyekto.
Nauna nang sinabi ni Commission on Audit Chairperson Gamaliel Cordoba na napakahalaga ng geotagging sa kanilang fraud audit.
Aniya, kadalasan nahihirapan ang kanilang mga auditor na hanapin ang proyekto kaya’t hindi rin matukoy kung talaga nga bang ghost project ito.