Ibinahagi ng mga economic managers ng administrasyong Marcos ang economic at investment agenda ng pamahalaan, sa pamamagitan ng Philippine Economic Briefing isinagawa sa Davao City.
Pinangunahan ni Finance Secretary Frederick D. Go ang nasabing pagtitipon kung saan binigyang-diin ang mahalagang papel ng Mindanao sa paglago ng ekonomiya ng bansa.
Tinalakay sa briefing ang economic outlook ng Pilipinas, mga reporma ng pamahalaan, at mga prayoridad sa pamumuhunan.
Ipinakita rin ang mga oportunidad sa Mindanao, partikular sa imprastraktura, agrikultura, enerhiya, manufacturing, turismo, logistics, at digital services.
Ayon kay Secretary Go, mahalagang bahagi ng growth story ng Pilipinas ang Davao dahil ito ang economic center ng Mindanao at nagsisilbing tulay sa mga negosyo, manggagawa, kapital at merkado.
Binigyang-diin din ng kalihim ang mga repormang naglalayong gawing mas madali at mas mabilis ang pagnenegosyo sa bansa.
Kabilang dito ang pagbaba ng registration fees sa Securities and Exchange Commission o SEC, pagpapahaba ng validity ng importer accreditation sa Bureau of Customs, at pagbabawas ng Creditable Withholding Tax rates ng Bureau of Internal Revenue para sa mga lokal na importer at manufacturer.
Hinimok naman ni Secretary Go ang mga business leader at industry partner na mamuhunan, magtayo at palaguin ang kanilang negosyo sa Mindanao upang makalikha ng mas maraming trabaho at oportunidad.
Ayon sa kalihim, ang susunod na yugto ng paglago ng ekonomiya ng Pilipinas ay huhubugin sa Mindanao.
Layunin ng Philippine Economic Briefing sa Davao na mas mapalakas ang integrasyon ng mga oportunidad sa Mindanao sa pambansang economic agenda at matiyak na ang pag-unlad ng rehiyon ay magdudulot ng mas malawak at inklusibong pag-unlad.