Photo courtesy of DA-Philippine Carabao Center
Pinangunahan ng Department of Agriculture-Philippine Carabao Center (DA-PCC) ang paglulunsad ng kauna-unahang “Read-Along Campaign: The Adventures of KalaGirl at KalaBoy” sa Mindanao.
Ayon sa DA-PCC, mahigit 100 estudyante mula sa tribo ng Tinonanon Manobo ang lumahok sa Read-Along Campaign na ginanap sa Kiatao Integrated School (KIS) sa Arakan, Cotabato.
Layunin ng Read-Along Campaign na mas hikayatin ang mga batang Pilipino na magbasa at maging aktibo sa mga programang may kaugnayan sa edukasyon at nutrisyon.

Nagkaroon ng storytelling activities at pamamahagi ng carabao milk at carabao milk ice cream para sa kalusugan ng mga bata.

Nagpamalas din ng talento ang mga estudyante ng KIS sa pagsayaw ng “Badti”, isang katutubong sayaw ng tribo Tinanonan Manobo na pagpapakita ng kanilang tradisyon sa pagsasaka at mayamang kultura.

Ang KIS ang pinakamalayong paaralan sa Arakan North District na nagsisilbing Indigenous Peoples Education (IPEd)-implementing school para sa mga mag-aaral na kabilang sa katutubong grupo.