Hindi dapat ikatakot ng publiko ang planong PAX Silica manufacturing hub sa New Clark City, ayon kay House Appropriations Committee Vice Chair Jose Alvarez.
Ayon kay Alvarez, maliit lamang ang 60 milyong litro ng tubig na tinatayang kakailanganin ng proyekto kada araw kumpara sa dami ng tubig na ibinubuhos ng mga ilog ng Zambales sa dagat.
Aniya, ang 60 milyong litro ay katumbas lamang ng 60,000 cubic meters o tinatayang isang Panamax vessel, kumpara sa dami ng tubig na dumadaloy mula sa mga ilog ng Zambales patungo sa karagatan.
Giit ni Alvarez, isang “once-in-a-lifetime chance” ang PAX Silica project at dapat itong samantalahin ng bansa habang tinitiyak na natutugunan ang mga kinakailangang environmental safeguards.
Kasabay nito, sinabi ng Environmental Management Bureau o EMB Region 3 na wala pang isinasagawang Environmental Impact Assessment o EIA para sa PAX Silica.
Sa budget briefing ng Department of Environment and Natural Resources para sa panukalang P28.041-billion na 2027 budget, sinabi ni EMB Region 3 Regional Director Martin Jose Despi na wala pang pormal na aplikasyon para sa EIA dahil wala pang konkretong detalye sa proyekto.
Ayon kay Despi, paunang koordinasyon pa lamang ang mayroon sa pagitan ng EMB at BCDA para talakayin ang posibleng proyekto. Tiniyak naman ng opisyal na kapag nagsimula na ang EIA, isasagawa ang kinakailangang public consultation at pag-aaral sa posibleng epekto ng proyekto sa kapaligiran at mga komunidad.