Inanunsyo ng Malacañang nitong Miyerkules na 33 ospital ng Department of Health (DOH) ang nag-activate ng fast lane para sa mga pasyenteng may leptospirosis, kasunod ng pagdami ng mga kaso matapos ang mga pagbaha dulot ng Habagat.
Ayon kay Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro, matatagpuan ang mga ospital sa Metro Manila at apat na rehiyon sa Luzon.
“Ayon sa DOH, sa kasalukuyan, 33 DOH hospitals sa Metro Manila, Region I (Ilocos Region), II (Cagayan Valley), III (Central Luzon) at CAR (Cordillera Administrative Region) ang may activated na leptospirosis fast lane o express lane para sa agarang pagtugon sa mga pasyenteng nangangailangang magpaospital,” ani Castro.
Sinabi ni Castro na nagpapatupad din ang DOH ng surge capacity management measures upang matiyak na sapat ang mga hospital bed at gamot para sa mga pasyenteng kailangang ma-admit.
Ginawa ni Castro ang pahayag kasunod ng mga ulat tungkol sa pagdami ng mga pasyenteng may leptospirosis sa San Lazaro Hospital at iba pang pasilidad pangkalusugan sa Metro Manila.
Ayon kay Castro, nagpatawag si Health Secretary Edwin Mercado ng command conference kasama ang mga DOH hospital nitong Martes upang palakasin ang koordinasyon at referral ng mga pasyente sa pagitan ng mga ospital.
Nakikipag-ugnayan din ang DOH Operations Center sa San Lazaro Hospital para ma-refer ang mga pasyente sa iba pang ospital sa Metro Manila upang mabawasan ang siksikan.
Sinabi rin ni Castro na nakahanda ang lahat ng DOH hospitals, health centers at YAKAP clinics na tumanggap ng mga indibidwal na nangangailangan ng medical consultation matapos lumusong sa tubig-baha.
Ayon kay Castro, magbibigay ang Malacañang ng karagdagang update tungkol sa mga ospital na maaaring tumanggap ng mga pasyenteng may leptospirosis at iba pang hakbang para matugunan ang mga kaso kung magpapatuloy ang pagtaas ng bilang ng mga nahahawa, batay sa resulta ng pagpupulong ng DOH. | PND