Ikinalugod ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang resulta ng pinakabagong pag-aaral na nagpapakitang patuloy ang paglakas ng impluwensya at ekonomiya ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) sa pandaigdigang entablado.
Ipinahayag ito ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro kasabay ng pagbibigay-diin na nananatiling nakatutok ang Pangulo sa pagpapatatag ng integrasyon at pagbangon ng rehiyon. Ang pahayag ay kasunod ng ulat mula sa Philippine Institute of Development Studies (PIDS), ang pangunahing socioeconomic policy think tank ng pamahalaan, na nagpapakitang nagiging mahalagang puwersa ang ASEAN sa ekonomiya at estratehiya sa buong mundo.
Ayon sa PIDS, dapat samantalahin ng Pilipinas ang pagkakataong ito bilang lider ng ASEAN upang isulong ang mga inisyatibang magpapatibay sa samahan.
“Magandang balita iyan. So, the President welcomes the recognition, the findings of PIDS. And ASEAN aims not only to maintain that gain, but it should accelerate the economic growth even further,” pahayag ni Castro sa mga mamamahayag.
Binigyang-diin din ng opisyal ang kahalagahan ng pagkakaisa sa gitna ng mga bansa sa rehiyon upang mapanatili ang kapayapaan, katatagan, at tuloy-tuloy na paglago ng ekonomiya.
Gaganapin ang 49th ASEAN Summit and Related Meetings sa Metro Manila mula Nobyembre 13 hanggang 15, 2026, na may temang “Navigating Our Future, Together.” Patuloy naman ang paghahanda at intergovernmental meetings ng pamahalaan para sa pagdating ng mga pinuno ng iba’t ibang bansa.