Tiniyak mismo ng Department of Energy (DOE) na magiging malinis ang proseso ng pagsusunog ng basura sa ilalim ng Waste-to-Energy program.
Aminado si Energy Secretary Sharon Garin na kasama sa pinakamalalaking agam-agam ng publiko ang posibleng idulot namang polusyon sa kalikasan partikular sa hangin ng gagawing waste-to-energy initiative.
Sagot naman dito ni Garin, na modernong teknolohiya na ang gagamitin para sa Waste-to-Energy program ng pamahalaan kung saan halos wala ng harmful emissions ang ilalabas, lalo’t ilang mga bansa na rin tulad ng Japan ang gumagawa nito at wala namang naitalang mataas na antas ng polusyon.
Magiging mahigpit din ang pamantayan ng pamahalaan partikular ang Department of Environment and Natural Resources (DENR), Department of Science and Technology (DOST), Climate Change Commission (CCC), at iba pang ahensiya upang matiyak na compliant sa mga batas pangkalikasan ang mga waste-to-energy plants.