Walang-tigil ang isinasagawang dredging operations ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa mga pangunahing daluyan ng tubig sa Metro Manila alinsunod sa utos ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Sa panayam ng programang BOSES kay MMDA General Manager, Undersecretary Nicolas Torre III, puspusan ang kanilang ikinakasang dredging operations partikular na sa Southern part ng Metro Manila kung saan matindi ang problema sa pagbaha.
Dito tinukoy ni GM Torre ang Las Piñas-Parañaque River na tagos na rin hanggang sa Lungsod ng Muntinlupa.
Lumalabas kasi sa mga isinagawang pag-aaral na nagiging mababaw talaga ang mga ilog lalo na kung maraming solid waste o basura ang naiipon sa ilalim ng mga ilog at pangunahing daluyan ng tubig na talagang kinakailangang hukayin at alisin sa pamamagitan ng dredging.
Isasagawa rin ng MMDA ang dredging operations sa iba pang malalaking body of waters at daluyan ng tubig sa Metro Manila upang maiwasan ang pag-apaw ng tubig.