Naharang ng mga awtoridad ang tinatayang 73 kilo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P496.4 milyon sa Ninoy Aquino International Airport cargo facility sa Pasay City.
Isinagawa ang operasyon ng NAIA Inter-Agency Drug Interdiction Task Group, katuwang ang PDEA, Bureau of Customs, PNP at iba pang ahensya.
Sa ulat ng PDEA, nadiskubre ang droga sa isang inbound parcel mula Mexico na idineklarang “pelletizing machine.”
Nakatago sa loob ng industrial machine ang ilang pakete ng white crystalline substance na hinihinalang shabu.
Ayon sa PDEA, may kabuuang gross weight na 73,002 gramo ang kontrabando.
Naka-consign ang parcel sa isang indibidwal sa Parañaque City.
Isasailalim sa forensic examination ng PDEA Laboratory Service ang mga nasabat. Kaugnay nito, inihahanda na ang kasong paglabag sa Section 4 ng Republic Act 9165, o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, laban sa consignee.