Nanatili sa Alert Level 2 ang Bulkang Mayon sa Albay, batay sa inilabas na bulletin ng DOST-PHIVOLCS ngayong Oktubre 4, 2026. Ipinapahiwatig nito ang patuloy na aktibidad ng bulkan at posibilidad ng biglaang pagputok, kabilang ang steam o phreatic explosions.
Ayon sa PHIVOLCS, naitala ang isang pagsabog ng abo na tumagal ng isang minuto at 11 segundo, gayundin ang walong volcanic earthquakes. Nakita rin ang crater glow, habang umabot sa 1,066 tonelada kada araw ang sulfur dioxide emission noong Oktubre 3.
Dahil dito, mahigpit na ipinagbabawal ang pagpasok sa 6-kilometrong Permanent Danger Zone (PDZ) at ang pagpapalipad ng anumang sasakyang panghimpapawid malapit sa bulkan.
Patuloy ding minomonitor ng mga awtoridad ang volcanic activity at iba pang senyales ng posibleng paglala. Pinapayuhan ng DOST-PHIVOLCS ang publiko na manatiling alerto at sumunod sa mga abiso ng lokal na pamahalaan at disaster authorities.
Maaari ring magkaroon ng rockfall, lahar, at iba pang panganib, lalo na kapag may matinding pag-ulan.