Itinutulak ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla na mapasailalim na sa Department of Justice (DOJ) ang Bureau of Jail Management and Penology (BJMP).
Ayon kay Remulla, mas magiging episyente ang pamamahala sa mga persons deprived of liberty (PDL) kung pagsasamahin ang BJMP at Bureau of Corrections (BuCor).
Giit niya, magkakatulad ang trabaho ng dalawang ahensya at mas magiging maayos din ang paggamit ng pondo at resources kung iisa na lamang ang mangangasiwa sa mga bilangguan.
Kasama rin aniya sa kailangang maisama sa iisang sistema ang mga provincial jail, na kasalukuyang hiwalay na pinamamahalaan ng BJMP at BuCor.
Kailangan na rin aniyang magkaroon ng isang common computerized system at database para sa records ng lahat ng PDL.
Aniya, makatutulong ito para matiyak na hindi maaantala ang pagpapalaya sa mga detainee na kuwalipikado nang makalaya dahil lamang sa problema o kakulangan sa kanilang records.