Nagpaabot ng pakikiramay at pakikiisa ang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines o CBCP sa mamamayan ng Nepal kasunod ng mapaminsalang flash floods na kumitil ng buhay, nagpawasak ng mga tahanan, at nagpalikas sa libo-libong residente roon.
Sa pahayag ni CBCP President at Lipa Archbishop Gilbert Garcera, sinabi nitong kaisa ng Simbahang Katolika sa Pilipinas ang Nepal sa panalangin at pakikiramay sa mga pamilyang nawalan ng mahal sa buhay, sa mga nawawala pa, at sa mga nawalan ng kabuhayan at tahanan.
Binigyang-diin din ni Garcera na nauunawaan ng mga Pilipino ang dinaranas ng Nepal dahil naranasan na rin ng bansa ang matinding pinsala mula sa iba’t ibang kalamidad. Nanalangin din siya para sa kapahingahan ng mga nasawi, lakas ng loob ng mga nakaligtas, at kaligtasan ng mga patuloy na nagsasagawa ng rescue at relief operations.
Sa pagtatapos ng kanyang mensahe, muling tiniyak ni Archbishop Garcera na nananatiling kaisa ng Simbahan sa Pilipinas ang mamamayan ng Nepal sa panalangin, malasakit, at pag-asa habang patuloy ang mga ito sa pagbangon mula sa trahedya. Sa ngayon, naitala na sa halos 750 katao ang nasawi at hindi bababa sa 2,400 ang nawawala.