Nilagdaan ng Department of Energy (DOE) at Philippine National Oil Company (PNOC) ang isang Memorandum of Agreement upang mapabilis ang pagbuo ng mga offshore wind project sa bansa sa pamamagitan ng mas malinaw na proseso sa pagkuha ng mga kinakailangang lupa at facility areas para rito.
Ayon sa DOE, layunin ng kasunduan na gawing mas maayos ang pagproseso ng mga tenurial instrument para sa mga cable landing point, substation, access road, maintenance facility, at iba pang imprastrakturang kailangan upang maikonekta ang offshore wind farms sa power grid.
Sa ilalim ng MOA, rerepasuhin ng DOE ang mga aplikasyon ng developers bago ito iendorso sa PNOC, na siyang magsusumite ng mga dokumento sa DENR para sa kaukulang approval. Nakasaad din sa kasunduan ang mga itinakdang panahon para sa pagsusuri at pagproseso ng mga aplikasyon upang mabawasan ang pagkaantala sa mga proyekto.
Sinabi ng DOE na napapanahon ang hakbang habang isinusulong nito ang Fifth Green Energy Auction o GEA-5, ang kauna-unahang auction na nakatuon sa offshore wind na may target na 3.3 gigawatts ng kapasidad. Bahagi rin ito ng mas malawak na layunin ng pamahalaan na pataasin ang bahagi ng renewable energy sa power generation mix sa 35 porsiyento pagsapit ng 2030 at 50 porsiyento pagdating ng 2040.