Siniguro ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na hindi lang limitado sa food assistance ang tulong na ipapamahagi nito sa mga pamilyang lubhang naapektuhan ng pagbaha at magkakasunod na kalamidad dulot ng mga bagyo at Habagat.
Ayon kay DSWD Secretary Rex Gatchalian, ongoing ngayon ang assessment at validation ng mga social worker sa mga apektadong komunidad para matukoy ang mga karagdagan pang tulong sa kanila kabilang na ang financial assistance.
Kabilang umano sa maaaring makatanggap ng tulong pinansyal ang mga mangingisdang hindi nakapalaot at nawalan ng kita, gayundin ang mga pamilyang nagtamo ng partially o totally damaged na tahanan.
Ayon sa kalihim, naka-download na sa mga Regional Office ang kaukulang pondo para sa financial assistance, na maipapamahagi matapos makumpleto ang assessment at validation.
Kaugnay nito, as of August 31, umabot na sa 125,404 family food packs (FFPs) ang naipamahagi ng DSWD sa mga pamilyang naapektuhan ng Habagat.
Pinakamarami rito ang naipamahagi sa Central Luzon na umabot sa 82,009 FFPs, sinundan ng Ilocos Region na may 22,889, habang 15,607 naman sa National Capital Region.
May 2,469 FFPs ding naipamahagi sa CALABARZON at 2,430 sa Cordillera Administrative Region.
Patuloy ang DSWD sa paghahatid ng pagkain at iba pang tulong sa mga apektadong pamilya, alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
📸 DSWD

