Kumilos at nagpaabot na ng tulong ang lokal na pamahalaan ng Tarlac para sa mga barangay at lugar na labis na naapektuhan ng Habagat.
Iginiit ni Tarlac 2nd district Representative Cristy Cuello-Angeles na nakikipag-ugnayan na sila sa DSWD para sa pamamahagi ng relief goods sa mga apektado upang hindi rin sumapaw ang mga natatanggap din nilang donasyon mula sa iba’t ibang grupo at pribadong sektor.
Ayon kay Angeles, prayoridad ngayon ng Pamahalaang Panlalawigan ng Tarlac ang mga lugar na na-isolate bunsod ng nasirang tulay dahil sa Habagat.
Aabutin pa kasi ng matagal kung iikot ang mga residente kaya mismong ang lokal na pamahalaan na ang magdadala ng mga kinakailangan ng mga residente upang hindi na sila mahirapan pa.
Pagtitiyak pa ng Pamahalaang Panlalawigan ng Tarlac na hindi lang ang mga isolated barangays ang mabibigyan dahil lahat ng apektadong residente ay mababahaginan ng tulong mula sa national at local government.