Patuloy ang pag-arangkada ng clearing operations ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) katuwang ang mga lokal na pamahalaan at iba pang ahensiya ng pamahalaan upang maiwasan nang mabarahan ng basura ang mga daluyan ng tubig.
Sa isang pulong balitaan, sinabi ni MMDA General Manager, Undersecretary Nicholas Torre III, na sinasamantala na ng kanilang puwersa katulong ang TUPAD workers upang maalis ang mga naiwan pang basura, burak, at iba pang siltation sa mga pangunahing daluyan ng tubig.
Ayon kay Torre, hindi sila nagpapaka-kampante lalo’t sandali lang na mapabayaan ang ilang mga daluyan ng tubig ay tiyak maiipon na naman ang basura.
Round the clock din ang inspeksiyon ng MMDA sa kanilang mga pumping station upang matiyak na gumagana ito para sa posibleng epekto ng habagat.
Naka-deploy na rin ang mga mobile pumping equipment ng MMDA upang tumugon sa mga binahang lugar sa Metro Manila.