Pinalakas ng Philippine National Police Anti-Cybercrime Group (PNP-ACG) ang kanilang cyber patrolling at mga kampanya kontra scam ngayong nagsimula na ang “BER” months.
Ayon kay ACG Director, PMGen. Wilson Asueta, patuloy ang ipinatutupad nilang cybercrime prevention at cyber safety activities, lalo na sa panahong ito.
Batay sa datos ng ACG, mula Enero 1 hanggang Hulyo 31 ngayong taon, mahigit 800 operasyon ang kanilang naisagawa na nagresulta sa pagkakaaresto ng 766 na suspek.
Kabilang sa mga pangunahing paglabag ang illegal sale of financial accounts at online swindling, habang umabot naman sa 576 ang naitalang kaso ng online selling scam sa naturang panahon.
Binigyang-diin ni Asueta ang malaking tulong ng media sa pagpapalaganap ng impormasyon at pagpapataas ng kaalaman ng publiko upang makatulong sa pagbawas ng mga kaso ng cybercrime.
