Inaasahan pa ng Department of Agriculture (DA) na lalaki ang pinsala sa sektor ng agrikultura dahil sa Habagat at nagdaang Bagyong Luis, Maymay at Neneng.
Sa ngayon, umabot na sa ₱3.39 bilyon ang naitalang pinsala at production losses sa walong rehiyon sa bansa.
Apektado nito ang mahigit 80,500 magsasaka at mangingisda, habang nasa 72,766 ektarya ng agricultural areas ang napinsala.
Pinakamalaki ang pinsala sa palay na umabot sa ₱1.86 bilyon, katumbas ng mahigit 66,500 ektarya ng apektadong taniman.
Ayon sa DA, patuloy ang assessment at validation sa mga apektadong lugar kaya posible pang madagdagan ang naitalang pinsala at pagkalugi.