Sinadya ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr ang Aquino at Agana Bridge sa Tarlac City na kapwa nagtamo ng pinsala kasunod ng nagdaang Habagat na tumama sa Luzon.
Sa ginawang inspeksiyon ng Punong Ehekutibo sa Agana Bridge ay tiningnan nito ang naging kasiraan ng nasabing tulay at ginagawa na ngayong pagkukumpuni.
Ayon sa Pangulo, nagbubuo na ngayon ng Bailey Bridge o pansamantalang tulay na gawa sa modular na bakal para matawiran ng mga pedestrian.
Isang linggo ang timeline para matapos ang pansamantalang tulay na matatawiran ng mga pedestrian habang pagkatapos ng dalawang linggo ay maaari ng makadaan ang mga light vehicles.
10 tonelada lamang pababa ang papahintulutang makadaan sa ginagawa na ngayong Bailey Bridge hanggang sa maibalik na sa dati ang orihinal na istruktura ng tulay.