Photo courtesy of DSWD
Gagamit na ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) ng emergency lanes sa North Luzon Expressway (NLEX) para mapabilis ang paghahatid ng relief goods sa mga lugar na sinalanta ng bagyo at habagat.
Ayon kay DSWD Assistant Secretary Leo Quintilla, pinayagan ng NLEX management ang mga delivery truck ng ahensya na gumamit ng emergency lanes.
Ihahatid ang family food packs at non-food items sa mga apektadong lugar sa Central Luzon at mga karatig na rehiyon.
Target ng DSWD na makumpleto sa loob ng limang araw ang replenishment ng relief supplies sa mga LGU na matinding naapektuhan ng baha.
Lalagyan ng signage, delivery receipts, at “Do Not Delay” signs ang mga truck para mabilis silang makilala at makadaan sa NLEX.
Mayroon pang mahigit 3.5 milyong family food packs ang DSWD na naka-preposition sa iba’t ibang bahagi ng bansa, habang 380,000 kahon ang nakatakdang ihatid sa Central Luzon.