Nilinaw ng Office of the Vice President (OVP) na hindi direktang ibinibigay bilang cash assistance sa mga benepisyaryo ang pondong inilaan para sa ‘You Can Be VP’ program.
Ayon kay OVP Director for Operations Norman Baloro, ginagamit ang pondo para sa mga aktibidad ng programa, kabilang ang mentoring, skills development at leadership training ng mga piling mag-aaral.
Sinabi ni Baloro na kabilang sa programa ang limang kabataang nagmula sa iba’t ibang lalawigan na dinadala sa Maynila para makibahagi sa mga aktibidad at magkaroon ng exposure sa mga programa ng Vice President.
Ngayong taon, plano rin ng OVP na magsagawa ng Junior Leadership Program sa Luzon, Visayas at Mindanao upang higit pang mapaunlad ang leadership skills ng mga kabataan.
Hirit naman ni Gabriela Party-list Rep. Sarah Elago na dapat maging mas malinaw ang performance indicators ng programa, lalo na’t nasa ₱1.1 milyon ang panukalang pondo habang dalawang learners lamang ang nakatalang target beneficiaries.
Iginiit niya na maaaring magamit ang naturang halaga para sa mas maraming estudyanteng nangangailangan ng financial assistance kung direktang ipamamahagi ang pondo.