Photo courtesy of
Pinangunahan ng Department of Education (DepEd) ang National Simultaneous School Safety Drill ngayong Huwebes, September 3, sa mga pampubliko at pribadong paaralan sa buong bansa.
Layunin ng drill na palakasin ang kahandaan ng mga paaralan sa emergency at aktibong banta, gayundin ang koordinasyon sa pagitan ng mga guro, mag-aaral, pulisya, medical teams, at iba pang ahensya ng pamahalaan.
Isinagawa ang pangunahing drill sa Carlos F. Gonzales High School sa San Rafael, Bulacan, na dinaluhan nina DILG Secretary Jonvic Remulla at mga opisyal ng DepEd na pinangunahan ni Undersecretary Malcolm Garma.
Ayon kay Education Secretary Sonny Angara, mahalagang maging ligtas na lugar ang mga paaralan at dapat alam ng bawat miyembro ng school community ang tamang hakbang kapag may emergency.
Binigyang-diin din ng DepEd na trauma-informed at child-centered ang bagong safety drill. Ipinagbabawal ang makatotohanang eksena, pagpapanggap bilang armadong aggressor, at iba pang marahas na simulation upang maiwasang ma-trauma ang mga mag-aaral.
Kasama sa bagong School Contingency Plan ang mga hakbang tulad ng lockout, lockdown, evacuation, at reunification. Matapos ang emergency, ipatutupad din ang Psychological First Aid at learning continuity measures para sa ligtas na pagbabalik ng mga mag-aaral sa kanilang pag-aaral.