Naglaan ang Department of Labor and Employment o DOLE ng ₱386.6 milyon para sa emergency employment at livelihood assistance ng 49,879 manggagawa sa Central Luzon na naapektuhan ng pinalakas na Southwest Monsoon o Habagat.
Ayon kay DOLE Secretary Francis N. Tolentino, ipinatutupad ang ayuda sa pamamagitan ng Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged Workers o TUPAD at DOLE Integrated Livelihood Program o DILP upang matulungan ang mga manggagawa na magkaroon ng agarang kita at makabangon ang kanilang kabuhayan.
Sa ilalim ng TUPAD, ₱357.85 milyon ang inilaan para sa 48,667 benepisyaryo sa Bataan, Bulacan, Nueva Ecija, Pampanga at Tarlac. Bibigyan sila ng pansamantalang trabaho, kabilang ang community-based clean-up activities.
Samantala, ₱28.79 milyon ang inilaan sa livelihood assistance para sa 1,212 benepisyaryo sa Central Luzon. Kabilang sa mga suportadong kabuhayan ang farming equipment, sari-sari store na may bigasan, food vending, pangingisda, livestock, processing, repair services at iba pang maliliit na negosyo.
Humihingi rin ang DOLE Regional Office III ng karagdagang ₱22.487 milyon mula sa local government units para sa TUPAD sa Bulacan. Layunin nitong matulungan ang 3,500 manggagawa mula sa Calumpit, Guiguinto, Hagonoy, Paombong, Bulakan, Angat at Sta. Maria na sasailalim sa 10- hanggang 15-araw na emergency employment para sa community projects, clean-up drives at rehabilitation activities.
Ayon sa DOLE, bahagi ito ng direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na tiyaking walang Pilipinong maiiwan, lalo na sa panahon ng kalamidad, habang patuloy na tinutulungan ang mga komunidad na makabangon mula sa pagbaha at malalakas na ulan.