Naniniwala si Senador Ping Lacson na nanginginig na si Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano sa mga ebidensyang nakalap kaugnay ng sinasabing illegal reclamation at infrastructure projects sa Taguig City.
Ayon kay Lacson, maaaring akusahan ni Cayetano ang imbestigasyon na politically motivated pero hindi aniya mababago nito ang mga ebidensyang nakalap na at naipasa na sa Office of the Ombudsman.
Sinabi ni Lacson na hindi na lang testimonial kundi pati documentary evidence ang kanilang isinumite sa Ombudsman kaugnay ng mga proyekto sa Taguig.
Aniya, ang mga dokumento ay mula mismo sa official records ng Department of Public Works and Highways (DPWH), Philippine Reclamation Authority, Land Registration Authority at General Appropriations Acts.
Inihayag din ng senador na nasa P3.713 billion ang tinatayang halaga ng public funds na maaaring nasayang sa mga proyekto sa ilang bahagi ng Laguna Lake sa Taguig na sinasabing saklaw ng government action dahil sa illegal reclamation.
Hindi pa aniya kasama dito ang iba pang sinasabing maanomalyang slope protection at flood mitigation projects sa kahabaan ng Taguig River na may double appropriations at tinatawag na “ghost” projects.
Ayon pa kay Lacson, ang mga advance copies ng ebidensya ay makatutulong sa patuloy na fact-finding investigation ng Ombudsman, partikular sa posibleng pagpapalabas ng subpoena para sa mga dokumento at mga testigo mula sa mga kinauukulang ahensya at opisyal. | ulat ni Nimfa Asuncion