Ilang biyahe ng barko ang kanselado ngayong umaga dahil sa Habagat, ayon sa Philippine Ports Authority (PPA).
Sa Port of Lubang sa Occidental Mindoro, kanselado ang lahat ng biyahe matapos ipatupad ng lokal na pamahalaan ang No-Sail Policy.
Kanselado rin ang biyahe ng MV City of Bacolod mula Puerto Galera patungong Batangas na nakatakdang bumiyahe alas-7:15 ng umaga at alas-12:30 ng tanghali.
Sa Port of Abra de Ilog, kanselado rin ang biyahe ng Montenegro Shipping Lines patungong Batangas na nakatakda alas-7:00 ng umaga at alas-11:30 ng umaga.
Samantala, kanselado rin ang biyahe ng Ocean Fast Ferries Incorporated sa rutang Maasin-Surigao at pabalik.
Nilinaw ng PPA na hindi nito direktang kinakansela ang mga biyahe at awtomatikong nahihinto ang paglalayag kapag may no-sail policy ang Philippine Coast Guard o lokal na pamahalaan.