Nakatakdang lagdaan ngayong Setyembre ang official development loan mula sa pamahalaan ng France para pondohan ang Pang-Agraryong Tulay para sa Bagong Bayanihan ng mga Magsasaka (PBBM) Rural Modular Bridge Project.
Ito ang ibinahagi ni Department of Agrarian Reform (DAR) Secretary Conrado Estrella III sa pagdinig para sa ipinapanukalang ₱16.935 bilyong budget ng kagawaran para sa 2027.
Sa interpelasyon ni ACT Teachers Partylist Rep. Antonio Tinio, humingi ito ng update hinggil sa status ng nasabing proyekto.
Tugon ni Estrella, patuloy ang pakikipag-ugnayan ng DAR sa Department of Finance (DOF) para sa pinal na pakikipagtulungan sa gobyerno ng France.
Inihayag din ng kalihim na unang tinalakay ang proyekto kasama ang South Korea, ngunit naputol ang negosasyon dahil sa magkaibang technical specifications at sakop ng proyekto.
Ang PBBM Rural Modular Bridge Project ay may tinatayang halaga na ₱22 bilyon at naglalayong magpatayo ng humigit-kumulang 300 hanggang 350 modular bridges sa iba’t ibang bahagi ng bansa upang matulungan ang mga magsasaka.