Pinalalakihan at pinadadagdagan ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Vince Dizon ang mga drainage sa ilang bahagi ng G. Araneta Avenue sa Quezon City para mapabilis ang paghupa ng baha sa lugar.
Sa kanyang inspeksyon ngayong Linggo ng umaga, iniutos ni Dizon ang pagpapalawak ng drainage system bilang bahagi ng mga hakbang ng DPWH laban sa pagbaha.
Ayon sa mga residente, kapansin-pansin ang mas mabilis na paghupa ng tubig-baha ngayon at mas mababa na rin ang lebel kumpara noong nakaraang taon. Kabilang sa mga isinagawang hakbang ang pagpapalit ng drainage at regular na declogging sa mga kanal at waterways sa paligid.
Patuloy naman ang DPWH sa pagpapatupad ng mga flood management project, alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na pabilisin ang mga hakbang laban sa pagbaha upang maprotektahan ang mga komunidad, residente at mga motorista.