Nasa sentro ng panukalang halos isang trilyong pisong pondo ng Department of Education ang kapakanan ng mga guro sa 2027, kabilang ang dagdag-sahod, ₱10,000 teaching allowance, benepisyo at mas maraming oportunidad para sa promotion, bagay na ibinahagi ng Department of Budget and Management (DBM).
Sa ilalim ng panukalang ₱975.96-billion DepEd budget, ₱61.02 billion ang dagdag na pondo para sa Personnel Services.
Kabilang dito ang ikaapat na tranche ng salary increase sa ilalim ng Executive Order No. 64. Para sa Teacher I, tataas ang buwanang basic salary mula ₱31,705 ngayong 2026, tungong ₱33,387 sa 2027.
May ₱38.78 billion din para sa mga benepisyo, habang mananatili ang ₱10,000 taunang teaching allowance para sa mahigit isang milyong teaching at teaching-related personnel.
Samantala, ₱12.09 billion ang inilaan para sa Expanded Career Progression, na inaasahang pakikinabangan ng mahigit 135,000 guro sa pamamagitan ng position reclassification.
May dagdag na pondo rin para sa training at paglikha ng mga bagong posisyon upang mabawasan ang administrative workload ng mga guro. Layunin ng pamahalaan, ayon sa DBM, na mas mapalakas ang suporta sa mga guro para mas makapagtuon sila sa kanilang pangunahing tungkulin, ang pagtuturo at paghubog sa mga mag-aaral.