Inaprubahan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board ang pagbubukas ng 8,750 slots para sa Transport Network Vehicle Service (TNVS) sa Metro Manila, Ilocos, at Bicol regions.
Pinakamarami ang inilaan sa Metro Manila na 7,500 slots, na eksklusibo para sa electric vehicles, kabilang ang battery electric at plug-in hybrid vehicles.
Sa Ilocos Region, 650 slots ang inilaan, habang 600 slots naman sa Bicol.
Kalahati ng mga slot sa bawat rehiyon ay para sa electric vehicles.
Ayon kay Acting LTFRB Chairman Greg Pua Jr., layunin ng pagbubukas ng mga slot na tugunan ang tumataas na pangangailangan sa pampublikong transportasyon.
Sinabi ni Pua, magsisimula ang aplikasyon kapag nailathala na sa pahayagang may malawak na sirkulasyon ang kaukulang memorandum circular.