Nagkaisa ang pamahalaan at Moro Islamic Liberation Front (MILF) sa isang Joint Pledge of Commitment upang matiyak ang mapayapa, maayos at kapani-paniwalang unang parliamentary elections sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) sa Setyembre 14.
Ayon kay Presidential Peace Adviser at Government Peace Implementing Panel Chairman Sec. Mel Senen S. Sarmiento, bahagi rin ng kasunduan ang mga alituntunin para sa mutual understanding ng mga komiteng nangangasiwa sa ceasefire, kabilang ang Ad Hoc Joint Action Group ng gobyerno at MILF.
Layunin nitong maprotektahan ang mga nakamit sa Bangsamoro Peace Process at maiwasan ang anumang insidenteng may kaugnayan sa halalan.
Nanawagan din si Sarmiento sa lahat ng kandidato at political parties na sundin ang mga kautusan ng COMELEC, partikular ang gun ban.
Binigyang-diin ng OPAPRU ang pangangalaga sa karapatan ng bawat Bangsamoro voter na makaboto nang malaya at walang takot para sa isang halalang walang karahasan, pamimilit at pananakot.