Inaresto ng mga kawani ng Bureau of Immigration (BI) ang isang 65-anyos na South Korean national na wanted sa kaniyang bansa dahil sa kasong fraud, sa isang operasyon sa Makati City.
Kinilala ng BI ang suspek na si Son Jongin, na inaresto ng Fugitive Search Unit noong Agosto 25 sa Barangay Comembo, Makati, katuwang ang Korean National Police Agency.
Ayon sa BI, may arrest warrant laban kay Son na inilabas ng Nonsan Branch ng Daejeon District Court sa South Korea noong 2020 dahil sa paglabag sa kanilang Criminal Act kaugnay ng fraud.
Natukoy rin na undocumented at overstaying sa Pilipinas si Son.
Kasabay ng operasyon, nahuli rin si Song Ung Il, 85, isa pang Korean national. May deportation order na laban sa kaniya mula pa noong 2015 dahil sa improper documentation.
Ayon kay BI Commissioner Joel Anthony Viado, hindi makapagtatago sa Pilipinas ang mga dayuhang pugante at patuloy na ipatutupad ng ahensya ang immigration laws para maprotektahan ang publiko at seguridad ng bansa.
Kapwa dinala ang dalawang Korean national sa BI Warden’s Facility habang nagpapatuloy ang kanilang mga kaso.