Nananawagan ang Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) sa Kongreso na pabilisin ang pagpasa ng panukalang National Cybersecurity and Critical Infrastructure Protection Act of 2026, kasunod ng dumaraming cyberattack laban sa pampubliko at pribadong imprastraktura.
Ayon kay CICC Executive Director Undersecretary Renato “Aboy” Paraiso, kailangang mabigyan ang Department of Information and Communications Technology (DICT) at CICC ng sapat na kapangyarihan, resources, at kakayahan upang mapalakas ang cybersecurity defenses ng bansa.
Naging panibagong paalala sa kahinaan ng mga digital system ang pag-deface sa mga website ng Department of Migrant Workers at dalawa pang ahensya ng pamahalaan nitong weekend.
Giit ng CICC, hindi na lamang teknikal na usapin ang cybersecurity dahil nakasalalay dito ang tuloy-tuloy na paghahatid ng serbisyo publiko at tiwala ng mamamayan.
Layunin ng panukalang batas na palakasin ang cybersecurity defenses ng bansa, protektahan ang critical information infrastructure, at pagandahin ang pagtugon ng pamahalaan sa cyber incidents.