Walang pinanggagalingan ang pahayag ni Vice President Sara Duterte na hindi siya ligtas sa Pilipinas, kasunod ito ng warrant of arrest laban sa kaniya, para sa tatlong counts ng grave threats.
Ito ang binigyang diin ni Communications Undersecretary Claire Castro, lalo’t una nang sinabi ni Philippine National Police (PNP) at National Bureau of Investigation (NBI), na wala naman silang record o natatanggap na impormasyon kaugnay sa sinasabi ng ikalawang pangulo na mayroong mga pagbabanta sa kaniyang buhay.
Ayon kay Castro, ang mga tanggapan ng gobyerno na nakatutok sa pagbibigay proteksiyon sa mga Pilipino ay mahigpit na ginagampanan ang kanilang tungkulin para sa publiko.
Sinisiguro aniya ng pamunuan ng PNP at iba pang ahensya ng pamahalaan, na lahat ng mga Pilipino ay binibigyang proteskyon ng gobyerno.
Ayon kay Castro, mainam na sa ikalawang pangulo mismo manggaling kung ano ang basehan at mga ebidensya nito sa mga binibitiwang pahayag.
“Gusto nating ipaunawa sa lahat na ang PNP, ang kapulisan, at ang mga nagbibigay ng proteksyon sa ating mga kababayan ay tuluy-tuloy po ang pagbibigay ng mga aksyon para kayo po ay manatiling secured at safe at protected. So, wala pong pinanggagalingan ang anumang sinasabi ng Bise Presidente at ng kaniyang kapatid, wala pong nakikitang anumang ebidensiya patungkol po diyan.” -Castro