Ipinapanukala ni Bulacan 2nd District Rep. Augustina Pancho ang pagkakaroon ng water impounding systems facilities para makatulong sa problema sa baha at kakulangan sa tubig tuwing tagtuyot.
Sa kaniyang House Bill 10741, inaatasan ang mga commercial at industrial establishments, subdivisions, at pribadong developers na may lima o higit pang ektaryang lupain na magtayo ng naturang pasilidad.
Ayon kay Pancho, sa kabila ng pondong inilalaan ng pamahalaan para sa flood control at iba pang water management programs, hindi pa rin ganap na natutugunan ang problema sa baha at epekto ng El Niño.
Aniya, makatutulong ang mga water impounding facilities para mabawasan ang pinsalang dulot ng pagbaha. Habang sa panahon naman ng tagtuyot, maaari itong magsilbing imbakan ng tubig para sa irigasyon at iba pang pangangailangang pang-agrikultura.
Sinabi rin ni Pancho na makikinabang dito ang mga business establishment dahil maaari nilang gamitin ang mga pasilidad para sa kanilang pangangailangan sa tubig.