Nagpaalala ang Pag-IBIG Fund at Government Service Insurance System (GSIS) na direktang mag-apply ng calamity loan sa kanilang mga tanggapan imbes na humanap ng mga fixers upang makaiwas sa scam, lalo na sa mga nasa lugar na idineklarang state of calamity.
Ayon sa GSIS, wala silang pinapayagang mga fixer na nag-aalok ng “priority loan” kapalit ng pera. Ang mga aplikasyon sa GSIS ay may proseso at nakasunod sa requirements ng Anti-Red Tape Authority o ARTA.
Kung hindi aniya personal na makapunta sa kanilang mga opisina, maaari namang mag-apply ng calamity loan sa pamamagitan ng GSIS Touch.
Kahit naman ang Pag-IBIG Fund, hinihikayat ang mga kwalipikadong miyembro na mag-apply ng calamity loan sa kanilang Virtual Pag-IBIG App o website. Makakabawas pa ito sa pila at sa mga nag-aalok na fixers.
Nagpaalala rin naman ang GSIS at Pag-IBIG na huwag ibigay ang password, one-time passwords, at ATM PIN sa kung kani-kanino. Tandaan din ang password ng mga account, mga rehistradong mobile number, at email address para sa account verification.