Iginiit ng House prosecution team na may “venue” pa rin si Vice President Sara Duterte upang ipaliwanag niya ang kasong grave-threats na iniatras na ng panel sa kanyang impeachment complaint.
Ito ang tugon ni Impeachment adviser at spokesperson Ace Barbers sa pahayag ni VP Sara Duterte na nawalan na umano siya ng pagkakataon sa Senado na ilabas ang mga ebidensya ng mga banta laban sa kanya, sa kanyang opisina, at sa kanyang pamilya.
Iginiit ni Barbers, na hindi nangangahulugang hindi na masasagot ng Bise Presidente ang mga alegasyon dahil may hiwalay pa itong kasong kriminal sa Quezon City Regional Trial Court Branch 98.
Dito umano maaaring dalhin ng pangalawang pangulo ang anumang hawak niyang dokumento at ebidensya.
Para naman kay House prosecution spokesperson na si Lanao del Sur Representative Zia Alonto Adiong, ang RTC ang tamang venue para mailahad ni VP SAra ang kanyang depensa.
Matatandaang nahaharap ang Bise Presidente sa three counts of grave threats kaugnay ng kanyang pahayag noong November 2024 laban kina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos, at dating House Speaker Martin Romualdez.