Tuloy na sa Lunes, September 14, ang dalawang araw na tigil-pasada ng grupong MANIBELA na magtatagal hanggang September 15, Martes.
Ang ikakasang tigil-pasada ay bilang protesta laban sa patuloy na pagtaas ng presyo ng langis sa bansa.
Sinabi ni MANIBELA President Mar Valbuena na kulang pa ang ginagawa ng Department of Energy (DOE) dahil hindi nito napipigilan ang pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo.
Sa kabilang dako, naghahanda na rin ang pamahalaan ng aksiyon nito upang maserbisyuhan ang mga pasaherong maapektuhan ng tigil-pasada.
Muling magpapatupad ng libreng sakay ang iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan, maging ang ilang lokal na pamahalaan, upang makapasok pa rin sa trabaho at paaralan ang mga maapektuhang residente.
Sa panig naman ng DOE, sinabi nitong patuloy na umaarangkada ang fuel subsidy program na itinaas na ngayon sa P12 kada litro, kung saan patuloy ring nadaragdagan ang mga gasolinahang nakikilahok sa fuel subsidy program.