Lalo pang hinigpitan ng Philippine National Police (PNP) ang kordon ng seguridad kaugnay ng nalalapit na kauna-unahang Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao o BARMM Parliamentary Elections sa September 14, araw ng Lunes.
Ayon kay PNP Spokesperson Police Col. Allen Rae Co, nitong Biyernes pa ay itinaas na ang full alert status sa Bangsamoro Region, kung saan magtatagal ito hanggang September 30.
Sa ilalim ng full alert status, 100 percent ng mga kapulisan ang inaasahang nasa lugar ng kanilang assignment.
Umabot na sa 10,439 na mga kapulisan ang nakatalaga sa nasabing rehiyon.
Tuloy-tuloy din ang ginagawa nilang pagbabantay at pangangalap ng mga impormasyon sa anumang grupo na nais maghasik ng kaguluhan sa nasabing halalan. Sa kasalukuyan, mayroong 27 lugar ang nasa ilalim ng red category, kabilang ang 21 sa Lanao del Sur, tatlo sa Maguindanao del Sur, at tig-isa sa Maguindanao del Norte, Basilan, at mga Special Geographic Area.