Arestado ang isang French national sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 2 matapos umanong magsabi na may dala siyang baril at bomba habang nagche-check in para sa Cebu nitong September 11.
Ayon sa paunang imbestigasyon, tinanong ang 58-taong gulang na pasahero tungkol sa laman ng kaniyang backpack nang ilagay ito sa baggage weighing counter. Umano’y sumagot siya na, “I have gun and a bomb.”
Agad na ini-report ang kaniyang pahayag, dahilan upang ipatupad ang mga security protocol sa paliparan.
Rumesponde ang mga tauhan ng Philippine National Police (PNP) Aviation Security Group at NAIA Police Station 2, kasama ang Explosive Ordnance Disposal at Explosive Detection Dog units.
Matapos ang clearing operations, idineklarang ligtas sa pampasabog at iba pang mapanganib na bagay ang bagahe ng pasahero at ang lugar.
Inaresto ang pasahero dahil sa umano’y paglabag sa Presidential Decree 1727 o Anti-Bomb Joke Law. Ipinaalam naman sa kaniya ang dahilan ng pag-aresto at ang kaniyang mga karapatan.
Nananatili sa kustodiya ng NAIA Police Station 2 ang French national para sa dokumentasyon at paghahain ng kaukulang kaso.
Paalala ng PNP AVSEGROUP, hindi dapat binibiro ang mga pahayag ukol sa bomba dahil seryosong usapin ang seguridad sa mga paliparan.
📸 PNP AVSEGROUP