Dumating sa Pasay City noong September 11 ang mga labi ng dalawang Filipino crew ng M/V SIDR na nasawi matapos tamaan ng projectile ang sinasakyang Saudi Arabia-flagged oil/product tanker sa Strait of Hormuz noong August 31, 2026.
Bilang bahagi ng UPLIFT initiative sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., agad na sinalubong ng Department of Migrant Workers (DMW), Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), at mga pamilya ng mga nasawi ang kanilang pagdating habang tiniyak ng pamahalaan ang agarang tulong at suporta para sa kanilang mga naiwang mahal sa buhay.
Kasama sa pagtanggap sa mga labi sina DMW Officer-in-Charge Undersecretary Bernard Olalia, OWWA Administrator Patricia Yvonne Caunan, mga kinatawan ng House Committee on Overseas Workers Affairs sa pamumuno ni Representative Bryan Revilla, at ng local manning agency. Naroon din ang pamilya ng isa sa mga nasawing tripulante mula sa Cabuyao, Laguna.
Muling tiniyak ng DMW at OWWA ang patuloy na pagbibigay ng psychosocial counseling, financial assistance, scholarship, at livelihood assistance sa mga kwalipikadong benepisyaryo bilang suporta sa mga pamilya ng mga nasawing overseas Filipino workers.
“Tutulungan natin sila ayon sa abot ng ating makakaya ayon na rin sa tagubilin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at ng aming Kalihim Hans Leo Cacdac, lalo na ang mga naiwang pamilya, kasama rito ang financial assistance at psychosocial counseling dahil hindi madali ang kanilang pinagdadaanan sa ngayon,” ani Officer-in-Charge, Bernard Olalia.
“Bukod sa repatriation assistance, magbibigay tayo ng scholarship, financial, at livelihood assistance,” ani OWWA Administrator Caunan.
Patuloy na makikipag-ugnayan ang DMW at OWWA sa mga pamilya ng dalawang nasawing tripulante upang matiyak ang agarang pagproseso ng mga benepisyo at paghahatid ng mga serbisyong maaari nilang matanggap.

