Binigyang-diin ni Education Secretary Sonny Angara ang agarang pangangailangan na ipagpatuloy ang mga nakatutok na programang akademiko tulad ng Academic Recovery and Accessible Learning (ARAL) Program. Ito ay kasunod ng makabuluhang pag-unlad sa marka ng mga mag-aaral na Pilipino sa pinakabagong Programme for International Student Assessment (PISA).
Ang resulta ng 2025 PISA ang pinakamataas na naitala ng Pilipinas sa Reading, Mathematics, at Science mula noong unang sumali ang bansa sa pandaigdigang assessment noong 2018. Ang Pilipinas ang naging pinakamabilis na umunlad na sistema ng edukasyon sa Reading sa loob ng 10 taon, kung saan nakakuha ng kabuuang dagdag na 38 puntos.
Kumpara noong 2022, tumaas ng 20 puntos ang marka sa Reading na umabot sa 367, tumaas ng 17 puntos ang Science na umabot sa 373, at 16 puntos naman ang itinaas sa Mathematics na umabot sa 371.
Bagama’t dumami ang mga estudyanteng nakatamo ng minimum proficiency, nilinaw ni Angara na ang pag-unlad na ito ay pundasyon pa lamang para sa patuloy na recovery, dahil karamihan sa mga 15-taong-gulang na mag-aaral ay nasa ibaba pa rin ng baseline proficiency at nangangailangan ng patuloy na suporta.
Upang maipagpatuloy ang momentum, nanawagan ang Department of Education (DepEd) sa mga mambabatas na ibalik ang pondo ng ARAL Program sa ilalim ng Proposed Fiscal Year 2027 budget matapos hindi ito makakuha ng alokasyon sa National Expenditure Program (NEP).
“President Bongbong Marcos brought us into the Department of Education with a clear mission: elevate the quality of basic education across the country,” pahayag ni Secretary Angara. “These latest PISA gains are an encouraging checkpoint, not the finish line. They prove that system-wide progress is possible, but they also highlight why sustained funding and structured interventions like ARAL remain non-negotiable.”
Sa School Year 2025–2026, naging bahagi ang ARAL Program ng pinaigting na learning recovery efforts ng DepEd sa pamamagitan ng tutok na suporta sa mga estudyante. Nakatulong ito sa pagbaba ng bilang ng mga nahihirapang magbasa mula 6.7 milyon tungo sa 2.2 milyon sa buong bansa, habang itinaas ang grade-level reading readiness ng 5.8 milyong mag-aaral mula sa dating 3.3 milyon.
Kasabay nito, pinatitibay din ng DepEd ang mga batayang kasanayan sa pagbasa sa pamamagitan ng pamamahagi ng mga storybooks sa Kindergarten hanggang Grade 3, paglalagay ng mga Reading Nook sa mga paaralan, at pagpapalakas ng Bayang Bumabasa Initiative sa pamamagitan ng mga nakatutok na plano para sa pagpapabuti ng pagbasa at literasiya sa mga unang baitang.
Ayon kay Angara, mahalaga ang matibay na pundasyon sa pagbasa dahil ito ang susi upang maunawaan ng mga mag-aaral ang iba pang mga asignatura.
Upang suportahan ang learning recovery, humihiling ang DepEd ng PHP16.03 bilyong supplemental budget para sa FY 2027. Malaking bahagi nito ay ilalaan sa ARAL Program para sa remediation consultations, kagamitan sa pagtuturo, pagsasanay ng mga tutor, ARAL Summer Program, pondo para sa mga external tutor, at honoraria para sa teaching overload.
Bukod sa akademikong tulong, pinahahalagahan din ng DepEd ang kalusugan ng mga mag-aaral. Sa panukalang 2027 NEP, PHP11.43 bilyon ang nakalaan para sa School-Based Feeding Program (SBFP) na tutugon sa 3.69 milyong mag-aaral, kabilang ang lahat ng mag-aaral sa Kindergarten at Grade 1, gayundin ang wasted at severely wasted learners mula Grade 2 pataas.
“The determination of the Filipino child is undeniable. Our job in government is to match that drive with real resources,” sinabi pa ni Angara. “Under President Marcos’ vision for education, we are ensuring that these gains translate from numbers on a report to real capabilities in every classroom.” | Press Release from the Department of Education