Itinuturing na tagumpay ng sambayanang Pilipino ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Sec. Vince Dizon ang pagkakaaresto gayundin ang pagpiit kay dating House Speaker at Leyte 1st District Rep. Ferdinand Martin Romualdez.
Sa panayam kay Dizon sa Marikina City, sinabi nito na matapos ang isang linggo buhat nang masampahan ng kaso, nailipat na rin aniya si Romualdez sa New Quezon City Jail Annex sa Payatas dahil sa ₱7.4-bilyong plunder case kaugnay ng flood control anomaly.
Patunay aniya ito ng paulit-ulit na pahayag ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na “walang sisinuhin at walang sasantuhin” sa mga nagkasala sa flood control.
Ayon kay Dizon, ang pagkakakulong ni Romualdez ang katunayan na walang espesyal at lahat ay mananagot basta may ebidensya.
Samantala, pinabulaanan naman ni Interior and Local Government Sec. Jonvic Remulla na may special treatment na ibinibigay kay Romualdez sa New Quezon City Jail Annex.
Katunayan aniya, nakapiit sa infirmary ward si Romualdez kasama ang apat pang inmates na walang air-conditioning units at mayroon lamang hospital beds.
Sa pulong balitaan sa Kampo Crame, sinabi naman ni Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) Spokesman JSupt. Jayrex Bustinera na kaya naman nilang tugunan ang mga pangangailangang pangkalusugan ni Romualdez.