Photos courtesy of Film Development Council of the Philippines/Facebok
Pasok sa 2027 Oscars race ang pelikulang “Filipiñana” bilang official entry ng Pilipinas sa Best International Feature Film category ng 99th Academy Awards o 2027 Oscars. Pinili ng Film Academy of the Philippines ang pelikulang “Filipiñana,” sa direksyon ni Rafael Manuel, matapos suriin ang walong pelikulang isinumite para sa kategorya.
Binigyang-pansin ng committee ang artistic merit, cultural relevance, at international campaign potential ng mga pelikula. Sa “Filipiñana,” nakita ang matibay nitong visual style at ang pagtalakay sa mga isyung panlipunan tulad ng social class, power, labor, at hindi pagkakapantay-pantay. Tampok sa pelikula ang 17-anyos na si Isabel, isang tee-girl sa isang exclusive country club, na unti-unting natutuklasan ang mas madilim na realidad sa likod ng marangyang mundong kaniyang ginagalawan.

Malayo na rin ang narating ng “Filipiñana” sa international film circuit. Tampok ang pelikula sa 2026 Sundance Film Festival, kung saan tumanggap ito ng World Cinema Dramatic Special Jury Award for Creative Vision. Nagkaroon din ito ng screening sa Berlin International Film Festival at iba pang international festivals, kung saan nakatanggap ito ng mga pagkilala, kabilang ang New Directors Award sa San Francisco International Film Festival, Grand Jury Prize for Best Narrative Feature sa Independent Film Festival of Boston, at iba pa.
Bukod sa “Filipiñana,” susuportahan din ng Film Academy ng bansa ang dalawa pang pelikulang umaasang makapasok sa Oscars race sa ilalim ng Pinoy Oscars Pursuit. Kabilang dito ang “58th” ni Carl Joseph Papa para sa Best Documentary Feature Film at “Agapito” nina Arvin Belarmino at Kyla Danelle Romero para sa Best Live Action Short Film. Layunin ng kampanya na magkaroon ang mga pelikula ng pagkakataong mapabilang sa 99th Academy Awards.

Ang “58th” ay isang animated documentary na tumatalakay sa 2009 Maguindanao Massacre sa pamamagitan ng kuwento ni Maria Reynafe Momay-Castillo at ng kaniyang amang photojournalist na si Reynaldo “Bebot” Momay. Si Momay ay kabilang sa mga nasawi sa insidente, ngunit hindi kailanman natagpuan ang kaniyang labi.

Samantala, sinusundan naman ng “Agapito” ang kuwento ni Mira, isang senior pin setter sa isang duckpin bowling alley, at ang kaniyang kapatid na si Junior.
Sa paglalakbay ng “Filipiñana,” “58th,” at “Agapito” sa international film scene, patuloy na naipapakita ang husay at lawak ng pelikulang Pilipino. Dala rin ng tatlong pelikula ang pag-asang mas makilala sa international stage ang talento, pagkamalikhain, at mga kuwentong Pilipino.
Nakatakdang ganapin ang 99th Academy Awards sa March 14, 2027, sa Los Angeles, California.