Tiniyak ni DILG Secretary Jonvic Remulla na walang magiging special treatment kay dating House Speaker Martin Romualdez sa loob ng New Quezon City Jail sa Payatas.
Kasalukuyang nasa infirmary ward ng piitan si Romualdez kasama ang tatlong regular na inmate, matapos iutos ng korte ang kanyang pagkakakulong doon.
Wala umanong air conditioning ang naturang ward, at wala ring personal nurse na makakasama ang dating Speaker.
Hindi rin ikinabahala ng Kalihim ang pangamba ng ilan na baka kulang ang kakayahan at kagamitan ng Bureau of Jail Management and Penology upang tutukan ang kalusugan ni Romualdez.
Nilinaw ni Remulla na may mga in-house doctor ang BJMP na magbabantay sa kalagayan nito at may nakahanda ring mga kagamitang medikal.
Sakaling mayroong medical concern, ipadadala ang resulta nito sa mga regular na doktor ni Romualdez at sa UP-PGH para sa pagsusuri.
Sa ngayon, maayos naman ang kalagayan ng dating Speaker. Papayagan siyang tumanggap ng bisita mula 1:00 PM hanggang 5:00 PM, maliban na lang tuwing Lunes.